Kinumpirma ng common-law wife ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na si Honeylet Avanceña na tuluyan na nilang ibinebenta ang tahanan ng dating pangulo sa Davao City.

Iginiit ni Honeylet na siya na lamang daw ang nagpapabalik-balik sa nasabing bahay kung saan inabandona nila matapos ang nangyari sa dating Pangulo na nasa kustodiya ng ICC.

Giit pa ni Honeylet, bantay-sarado na raw ang bahay ng CCTV—dahilan upang hindi na rin daw siya makatulog nang maayos.

Matatandaang nananatiling nasa kustodiya ng International Criminal Court (ICC), si dating Pangulong Duterte nang maaresto noong Marso dahil sa kasong crimes against humanity bunsod ng kaniyang madugong kampanya kontra droga.

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag ang mga anak ni dating pangulong Duterte na sina Vice President Sara Duterte, Davao 1st district Rep. Paolo Duterte at Davao City Mayor Sebastian Duterte tungkol dito.

-- ADVERTISEMENT --