
Narekober na ng mga awtoridad ang labi ng isa sa mga crew member ng lumubog na MV Trisha Kerstin-3 nitong Linggo.
Kinilala ang biktima na si Rodolfo Cabilan Jr., na nagsilbi bilang oiler ng naturang sasakyang pandagat.
Natagpuan ng mga technical diver ng Philippine Coast Guard (PCG) ang katawan ni Cabilan sa car deck bow ng barko.
Ayon sa ulat, suot pa ng biktima ang isang itim na jacket at brown na shorts, at nakuha rin sa kanya ang isang asul na cellphone at itim na sling bag.
Positibo namang kinilala ng kanyang amang si Rodolfo Sr. ang bangkay ng anak.
Plano ng pamilya na ipa-cremate ang labi ni Cabilan sa Zamboanga City upang agad itong maibalik sa kanilang tahanan sa Bohol.
Sa kasalukuyan, umakyat na sa 65 ang opisyal na bilang ng mga nasawi sa trahedya, habang nananatili pang nawawala ang 14 na iba pa base sa opisyal na tala.
Gayunpaman, iginiit ng mga kamag-anak ng mga biktima na mahigit 20 pa ang hindi natatagpuan, base na rin sa listahang binuo ng mga nakaligtas.










