TUGUEGARAO CITY-Wala ng buhay at naagnas na nang matagpuan ang bangkay ng isang lalaki na nakasilid sa isang sako sa bayan ng Amulung, Cagayan.

Ayon kay P/Major Osmundo Mamanao, hepe ng PNP-Amulung, nakita ng mga magsasaka ang bangkay ni Wilfredo Blance,56-anyos, residente ng zone 5 Barangay Sta Barbara, Iguig na nakalagay sa sako at itinapon sa gilid ng sapa sa Barangay Marobbob, Amulung.

Binuksan umano ng mga nakakitang residente ang sako dahil sa umaalingasaw ang amoy at laking gulat ng makita na ito’y may lamang bangkay.

Agad na ipinagbigay alam ng mga residente sa PNP-Iguig ang nakita pero dahil ito ay sakop ng Amulung kung kaya’t kanilang ipinasa ang impormasyon sa himpilan ng PNP-Amulung.

Nang respondehan ng kapulisan, isang taga sa ulo ang nakikitang sanhi ng pagkamatay ng biktima.

-- ADVERTISEMENT --

Bago nito, sinabi ni Mamanao na sumangguni ang pamilya ng biktima sa himpilan ng PNP-Amulung nitong nakaraang linggo para humingi ng tulong at mahanap ang kanilang nawawalang kaanak.

Dahil dito, agad na pinatawag ang pamilya nang makita ang bangkay at positibo namang kinilala ng kaanak.

Inaalam pa ng PNP ang motibo ng pagpatay sa biktima.