Isa na namang tagumpay ang nakamit ni BB Gandanghari o dating si Rustom Padilla.
Ito ay matapos siyang magtapos na summa cum laude sa degree na Bachelor of Science in Entertainment Business sa Los Angeles Film School.
Ibinahagi ng Filipina celebrity ang magandang balita sa kanyang Instagram post.
Sinabi niya na ang nakamit niyang parangal ay dahil sa hard work, disiplina, tiyaga at determinasyon.
Ayon sa kanya, kasabay ng kanyang pagiging proud sa kanyang sarili sa nasabing achievement, proud din siya bilang working student na may perfecr attendance at walang late sa kanyang mga klase sa buong panahon ng kanyang kurso.
Bukod sa natanggap niya na Latin honors, kinilala din si BB na Student of the Month at miyembro din siya ng Honor Society of Los Angeles.
Una rito, sinabi ni BB na pumasok siya sa film school dahil gusto niyang ituloy ang karera sa producing at directing.
Nagpaabot naman ng pagbati si Senador Robin Padilla sa kapatid niyang si BB.
Sinabi ni Robin na proud at humahanga siya sa sobrang sipag at determinasyon ng kanyang kapatid.
Matatandaang hindi tanggap noon ni Robin ang pagpapalit ni BB ng identity mula nang kilalanin niya ang sarili bilang transgender, kung saan dumating pa nga raw sa puntong ayaw siyang makita ng kaniyang kapatid.
Ngunit ayon kay BB, nagbago ang pakikitungo ni Robin sa kaniya dahil sa kanilang ina na kasalukuyang malubha na ang kalagayan ng kalusugan.