Narekober na ang kinarnap na sasakyan mula sa Tuguegarao City makaraang masangkot sa aksidente nang salpukin ng motorsiklo na ikinasawi ng isang security guard sa Cordon, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni P/Chief Master Sgt. Franklyn Alvarez ng Cordon PNP na nangyari ang insidente sa Barangay Malapat nang aksidenteng bumangga ang motorsiklo na minamaneho ni Jovito De Guzman Jr, 41-anyos, residente sa Diadi, Nueva Vizcaya sa inabandonang karnap na elf-truck na nakaparada sa gilid ng lansangan.

Dead on arrival sa pagamutan ang biktima dahil sa tinamong pinsala sa ibat-ibang bahagi ng kanyang katawan.

Nabatid na nakita sa CCTV a nag suspek na si John Dexter Gorospe, residente sa Sta Teresita, Cagayan na tinangay nito ang naturang sasakyan na pagmamay-ari ng negosyanteng si Rema Yap noong gabi ng July 7 sa Diversion Road, Tuguegarao City.

Natukoy ng mga biyaherong tauhan ni Yap nang napadaan sa lugar ang inabandonang carnap na sasakyan kung saan iniwan pa ng suspek ang susi nito.

-- ADVERTISEMENT --

Patuloy na tinutugis ng pulisya ang suspek na nahaharap sa kasong carnapping.