TUGUEGARAO CITY-Nakapagtala ng 43 bagong kumpirmadong kaso ng coronavirus disease 2019 (covid-19)sa Region 02.

Batay sa datos na ibinahagi ng Department of Health (DOH)-R02,mula sa mga bagong naitala, 31 ay mula sa Isabela, anim sa Cagayan, apat sa Nueva Vizcaya at dalawa sa Santiago City.

Umabot naman sa 15 ang bagong nakarekober sa virus kung saan anim dito ay mula sa Isabela, lima sa Cagayan at apat sa Nueva Vizcaya.

Sa ngayon, nasa 1,857 ang kabuuang bilang ng naitalang kumpirmadong kaso ng virus sa rehiyon kung saan 344 ang aktibong kaso, 1,481 ang nakarekober at 32 ang namatay.

Mula sa bilang ng mga aktibong kaso 62 percent ay asymptomatic, 37 percent ang nasa mild condition at 1 percent ang severe.

-- ADVERTISEMENT --

Samantala, nasa 27 kumpirmadong kaso ng virus naman ang kasalukuyang minomonitor sa Cagayan Valley Medical Center (CVMC) kung saan 15 dito ay mula sa Cagayan at 12 ay mula Isabela.

Sa Cagayan, sampung kaso ay mula dito sa lungsod ng Tuguegarao, tig-dalawa sa Enrile at Solana at isa sa bayan ng Camalanuigan.

Karagdagang pitong kaso ay mula sa Ilagan City, apat sa Tumauini at isa sa Delfin Albano sa probinsiya ng Isabela.

Bukod dito, 23 suspected cases din ang kasalukuyang minomonitor sa naturang pagamutan kung saan 13 dito ay mula sa Cagayan, walo sa Isabela at dalawa ay mula sa Kalinga.