Inihayag ni US President Donald Trump na ang Cuba ang susunod sa kanyang agenda pagkatapos ng Iran.

Sinabi ni Trump na pagkatapos ng giyera sa Iran ay isusunod naman ang Cuba.

Ayon sa kanya, handa sila para naman sa isang hakbang laban sa Cuba na pinapatakbo ng komunista, kung saan si Secretary of State Marco Rubio ang kanyang magiging point man sa nasabing bansa.

Sina Trump at Rubio ay naging bukas sa kanilang pagnanais na magpatupad ng pagbabago ng rehimen sa Cuba kasunod ng pagkakaaresto kay Venezuelan leader Nicholas Maduro.

Kamakailan ay nakipagpulong ang coordinator for Cuban affairs ng US State Deparment na si Rob Allison sa senior representatives ng Catholic Church sa Havana, ayon sa US Embassy sa Havana, subalit hindi inilahad kung kailan nangyari ang pulong.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa embahada, tinalakay ni Allison sa ilang opisyal ng Catholic Church sa Havana ang humanitarian aid na ipinadala ng Washington sa nasabing isla, at ang pangangailan ng pagbabago para mapabuti ang sitwasyon sa Cuba.

Ilang ulit nang sinasabi ni Trump na hinog na ang Cuba para bumagsak.

Una rito, nagpatupad si Trump ng energy blockade sa nasabing bansa.

Walang dumating na oil shipments sa Cuban state buhat noong Enero 9, kaya napilitan ang airlines na magtipid o magsupindi ng flights at lumalala ang economic crisis sa isla.

Inakusahan ng Havana si Trump na pinapatay ang kanilang ekonomiya.

Kamakailan ay niluwagan ng US ang oil blockade para payagan ang ilang private companies sa Cuba na mag-angkat ng maliit lang na langis.

Nitong araw ng Miyerkoles, malaking bahagi ng isla ang nakaranas ng blackout matapos ang breakdown sa kanilang pinakamalaking power plant.

Kalaunan ay naibalik na rin ang supply ng kuryente sa mga kabahayan sa nasabing bansa.