Nakahanda ang ilang ahensiya ng pamahalaan para sa pagbibigay ng subsidies sa agricultural workers at public utility drivers para matulungan sila na makayanan ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo bunsod ng tensyon sa Middle East.

Makikipagpulong naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa manufacturers para talakayin ang posibilidad na huwag munang magtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin para matulungan ang mga consumer.

Sinabi ng Department of Agriculture na handa itong magbigay ng P150 million na halaga ng fuel subsidy sa nasa 25,500 na eligible na mga mangingisda at mga magsasaka sa buong bansa.

Ayon kay Agriculture Assistant Secretary Arnel de Mesa na may P100 million na fuel subsidies para sa agad na disbursement, habang ang Department of Budget and Management (DBM) ang maglalabas ng karagdagan na P50 million sa sandaling labis-labis na ang pagtaas ng presyo ng langis.

Tiniyak din ng DA na may sapat na suplay ng bigas at matatag ang presyo sa kabila ng tumitinding labanan sa Middle East.

-- ADVERTISEMENT --

Batay sa master list ng DA, 9,700 farmers at 15,500 fishermen ang kuwalipikado na makatanggap ng financial assistance at sinabi ni De Mesa na uunahin ng ahensiya ang mga hindi nakatanggap ng anomang subsidy sa nakalipas na mga taon.

Samantala, sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na naglaan sila ng P2.5 billion para sa posibleng implementasyon ng fuel subsidy program para matulungan ang public utility vehicle (PUV) drivers sa tumataas na presyo ng langis.

Sinabi ni LTFRB Chair Vigor Mendoza II na sapat ang pondo sa loob ng mahigit isang buwan para sa pagpapatupad ng programa, subalit hindi pa sinabi kung magkano ang matatanggap na fuel subsidy dahil wala pa silang pinal na desisyon sa usapin.

Ang mga inaasahan na makikinabang ay ang mga driver ng modern at traditional jeepneys, UV Express at transport network vehicle services.