
Nakahanda na ang Department of Agriculture (DA) na ipamahagi ang umano’y P100 milyong fuel subsidy sa mga rehistradong magsasaka at mangingisda.
Ito ay upang matulungan sila sa posibleng pagtaas ng presyo ng krudo dulot ng tumitinding tensyon sa Middle East.
Ayon kay DA Assistant Secretary Arnel de Mesa, tig-P5,000 ang matatanggap ng kwalipikadong magsasaka at P3,000 naman sa mangingisda.
Kaugnay nito, tiniyak din ng tanggapan na may sapat na suplay ng bigas sa bansa hanggang sa susunod na anihan, ngunit aminado rin sila na maaaring maapektuhan ang agricultural sector lalo na sa gastos sa makinarya, pataba, cold storage, at iba pang operasyon sa produksyon.
Samantala, may karagdagan namang P50 milyon pang maaaring ilabas kung kakailanganin.
Kasalukuyan ng isinasagawa ang pagpaparehistro at beripikasyon ng mga benepisyaryo upang agad na maipamahagi ang ayuda sa sandaling makumpleto ang listahan.










