Kinumpirma ni Transportation Secretary Vince Dizon na inalis na sa serbisyo ang dalawang Land Transportation Office (LTO) officers na umano’y nanakit sa isang viral na video.
Sa isang press conference, sinabi ni Dizon na sumulat na sila sa Office of the President para sa permanenteng pagkakatanggal sa pwesto nina LTO Region II assistant regional director Manuel Baricaua, at ng officer na si Charles Ursulum.
Nahuli sila sa video habang sinusuntok at sinisipa ang isang lalaki sa Tuguegarao, Cagayan.
Ayon kay Dizon, “no excuse” na para sa ginawa ng naturang mga opisyal ng LTO.
Sinabi naman ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II na alinsunod sa utos ng kalihim, agad silang nagsagawa ng notice para makapagpaliwanag ang kampo nina Baricaua at Ursulum.
Samantala, nakikipag-ugnayan na ang Department of Transportation (DOTr) sa mga biktima upang matulungan sila sa posibleng paghahain ng kaso laban sa mga nanakit na tauhan ng tanggapan.