
Nagbanta ng pagsasampa ng mga kasong cyberlibel at copyright infringement ang isang mamamahayag mula sa Davao City laban sa isang prosecutor ng International Criminal Court (ICC) kung hindi ito maglalabas ng pampublikong paghingi ng tawad.
Sa kanyang Affidavit of Denial na may petsang Pebrero 26, kinondena ni Ben Jason Tesiorna ang pagpapakita ni ICC Prosecutor Julian Nicholls ng isang CCTV video sa Confirmation of Charges laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Tesiorna, siya ang kumuha ng video noong Disyembre 19, 2013 sa isang media showcase ng Central 911 sa Davao City, at wala siyang ibinigay na pahintulot para ito ay i-broadcast.
Inakusahan niya ang prosecutor ng misrepresentation at ilegal na pagmanipula ng video matapos umano itong lagyan ng English subtitles upang magmukhang konektado sa extra-judicial killings (EJK).
Nilinaw ng mamamahayag na ang CCTV footage ay playback lamang ng isang naunang krimen at hindi aktwal na nangyayari sa oras na iyon, kaya walang rumespondeng opisyal habang ito ay pinapanood.
Hiniling din niya sa ICC Pre-Trial Chamber I na atasan ang prosecutor na maglabas ng public apology at alisin ang video sa court records.
Binigyan niya ang ICC prosecutor hanggang Pebrero 27 upang maglabas ng paghingi ng tawad bago niya ituloy ang pagsasampa ng mga reklamo.









