
Binigyang-diin ng Malacañang na hindi dapat magpakita ng pangamba ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan sa kabila ng maagang deklarasyon ni Bise Presidente Sara Duterte na tatakbo ito sa pagkapangulo sa 2028.
Ang pahayag ay inilabas ni Palace Press Officer USec. Claire Castro bilang tugon sa hinala ng Makabayan bloc na ginagamit ni Duterte ang kanyang anunsiyo bilang “panakot” sa mga mambabatas, lalo na’t nahaharap ang bise presidente sa sunod-sunod na impeachment complaints.
Ayon kay Castro, bagama’t may sariling basehan ang pananaw ng Makabayan bloc, hindi dapat matinag ang mga halal na opisyal sa kanilang tungkulin dahil lamang sa isang deklarasyon ng kandidatura.
Nilinaw rin ni Castro na ang naturang ispekulasyon ay nananatiling opinyon lamang ng progresibong grupo.
Matatandaang kahapon lamang ay pormal nang inihain ang ika-apat na impeachment complaint laban kay VP Duterte sa gitna ng umiinit na tensyong politikal sa bansa.










