Iniimbestigahan na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang posibleng pagkakasangkot ng ilang opisyal ng Immigration sa love scam at human trafficking na bumiktima sa ilan nating mga kababayan.
Tiniyak ito ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac sa kanyang pagharap sa budget hearing ng House Appropriations Committee.
Ayon kay Kabataan Party-list Rep. Renee Co, base sa testimonya ng mga biktimang Overseas Filipino Workers (OFWs) ay itinuro ng kanilang recruiter ang Immigration official na kanilang lalapitan sa paliparan para makalusot sila at makalabas ng bansa.
Binanggit ni Co na kaawa-awa ang mga biktimang Pilipino na dumanas ng pagmamalupit at pag-abuso pagdating sa Cambodia kung saan hindi rin makatao ang naging sitwasyon nila sa loob ng kulungan.