
Naglatag ng mga pamantayan ang Department of Migrant Workers (DMW) para sa posibleng paglikas ng overseas Filipino workers (OFWs) sa Gitnang Silangan habang patuloy na tumitindi ang tensyon sa rehiyon.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Migrant Workers, sinabi ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na uunahin sa evacuation ang mga Pilipinong nasa malapit sa mga lugar na tinamaan ng missile at drone attacks.
Dagdag niya, isasaalang-alang din sa repatriation ang mga kahilingan ng OFWs, kondisyon sa kalusugan, at humanitarian considerations, at maaaring iproseso sa first-come, first-served basis ang mga kaso na nasa parehong antas ng panganib.
Ayon kay Erwin Tulfo, chairman ng komite, mahalagang magkaroon ng malinaw na patakaran sa repatriation habang dumarami ang mga Pilipinong humihingi ng tulong upang makaalis sa mga apektadong lugar.
Binigyang-diin din niya ang pangangailangang maghanda ang pamahalaan sa posibleng pag-uwi ng malaking bilang ng OFWs at tiyakin ang kanilang reintegration.
Tiniyak naman ni Cacdac na maaaring humingi ng tulong ang mga OFW na nakakaramdam ng panganib sa mga embahada ng Pilipinas at Migrant Workers Offices, na maaaring makipag-ugnayan sa mga employer upang mailipat ang mga manggagawa sa embassy shelters kung kinakailangan.
Hanggang Marso 4, mahigit 1,400 Pilipino sa Gitnang Silangan ang humiling ng repatriation, habang kabuuang 2,012 na ang natulungan ng DMW sa gitna ng patuloy na tensyon sa rehiyon.









