
Nagbabala ang Department of Energy (DOE) sa mga oil companies at gasoline stations laban sa hoarding at anumang ilegal na pagtaas ng presyo ng petrolyo sa gitna ng inaasahang paggalaw ng presyo dahil sa tensyon sa Middle East.
Ayon sa DOE, mahigpit na pinasusunod ang mga kumpanya sa umiiral na fuel pricing rules alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Pinaigting din ang monitoring sa tulong ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP).
Sinabi ng ahensya na patuloy nilang binabantayan ang presyo ng petrolyo sa mga gasolinahan upang matiyak na hindi naaabuso ang mga motorista at konsyumer.
Para sa Marso 6 hanggang Marso 9, ang kasalukuyang pump price range ay ang mga sumusunod:
• Gasoline RON 97/100: ₱53.70 – ₱76.50 kada litro
• Gasoline RON 95: ₱50.00 – ₱71.04 kada litro
• Gasoline RON 91: ₱49.00 – ₱64.70 kada litro
• Diesel: ₱49.00 – ₱66.59 kada litro
• Diesel Plus: ₱56.80 – ₱74.81 kada litro
• Kerosene: ₱78.90 – ₱99.89 kada litro
Paalala ng DOE na mahigpit na ipinagbabawal ang hoarding at ilegal na bentahan ng petrolyo sa ilalim ng Batas Pambansa Blg. 33 na inamyendahan ng Presidential Decree 1865.
Ang mga lalabag ay maaaring mapatawan ng parusa at kanselasyon ng kanilang permit sa operasyon.










