TUGUEGARAO CITY-Nakumpiska ang iba’t-ibang klase ng baril, bala at granada sa itinuturing na Finance Officer ng CPP-NPA sa Cagayan sa isinagawang operasyon ng militar at pulisya ngayong araw sa Brgy. Carupian, Baggao, Cagayan.

Una rito, isinilbi ng mga otoridad ang search warrant sa tahanan ni Amanda Socorro Echanis alyas Waya/Julian, 32-anyos, may-asawa at Finance Officer ng West Front, Komiteng Probinsya ng Cagayan (KOMPROB), Komiteng Rehiyon – Cagayan Valley (KR-CV) ng CPP-NPA na kumikilos sa Cagayan Valley.

Nakuha kay Echanis ang isang unit ng caliber 5.56mm assault rifle ; isang piraso ng long plastic magazine para sa M16 rifle; isang piraso ng long steel magazine ng M16 Rifle; 20 bala ng M16 Rifle at dalawang granada.

Nahaharap sa kasong paglabag sa illegal possession of firearms and ammunitions at illegal possession of explosives si Echanis na nasa kustodiya ng PNP Baggao.

Sa inilabas na pahayag ng Anak Pawis Party-List, hinuli si Echanis kasama umano ang kaniyang isang buwang gulang na anak.

-- ADVERTISEMENT --

Dagdag pa dito na si Echanis ay anak ng pinaslang na Chairman ng Anakpawis na si Randall “Ka Randy” Echanis.

Dinakip ang sinasabing opisyal ng CPP-NPA kasabay ng pagsalakay sa bahay ng Anakpawis Cagayan Valley Chairman na si Isabelo Adviento sa nasabi ring barangay.