Ibinahagi ni Veronica “Kitty” Duterte, bunsong anak na babae ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na nais ng kanyang ama na magkaroon ng pampublikong pagtitipon para sa pagdiriwang ng kaniyang ika-81 kaarawan sa Marso 28.

Ayon kay Kitty, kasalukuyan na nilang pinaplano at inoorganisa ang mga aktibidad para sa naturang pagtitipon na bukas para sa publiko.

Dagdag pa niya, wala pa ring desisyon ang pamilya Duterte kung sino sa kanilang mga miyembro ang pupunta sa The Hague para ipagdiwang ang kaarawan ng dating Pangulo.

Ito na ang ikalawang pagkakataon na magdiriwang si Duterte ng kaniyang kaarawan sa detention facility ng International Criminal Court (ICC) sa The Hague, Netherlands, habang hinihintay ang desisyon ng Pre-Trial Chamber I kung uusad sa paglilitis ang kaso ng crimes against humanity matapos ang apat na araw na confirmation of charges.