
Umabot na sa halos 796,000 na Pilipino, kabilang ang mga guro at mag-aaral, ang matagumpay na nakatapos ng pagsasanay sa Artificial Intelligence (AI) sa ilalim ng AI Ready ASEAN Programme.
Ito ay inilahad ng Department of Education (DepEd) kasabay ng kanilang pakikilahok sa 3rd Regional Policy Convening na ginanap sa Pasig City nitong Lunes.
Dahil sa positibong resulta ng programa, layunin ng DepEd na higit pang paigtingin ang pakikipagtulungan sa iba pang mga bansa sa ilalim ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Ang pinatibay na kolaborasyon ay naglalayong pabilisin ang integrasyon at paggamit ng AI sa sektor ng basic education sa bansa.
Ayon sa DepEd, inaasahang makatutulong ang teknolohiyang ito upang mas maging epektibo ang pagkatuto ng mga estudyante, pati na rin mabawasan ang bigat ng mga administratibong gawain at pang-araw-araw na trabaho ng mga guro.
Sa naturang pagpupulong, nakilahok ang DepEd kasama ang iba’t ibang education leaders, digital policymakers, at development partners upang ilahad ang Project AGAP-AI.
Ang proyektong ito ang pangunahing inisyatibo ng pamahalaan para sa responsableng paggamit ng makabagong teknolohiya sa mga paaralan.










