
Halos dumoble ang bilang ng mga kaso ng hantavirus sa Argentina sa nakalipas na isang taon, ayon sa ulat ng health ministry ng bansa.
Umabot na sa 101 kumpirmadong kaso ang naitala mula Hunyo 2025 hanggang sa kasalukuyan, kumpara sa 57 kaso sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Naitala rin ang 32 nasawi, pinakamataas mula noong 2018.
Kasabay nito, iniimbestigahan ng mga awtoridad ang posibleng pagkalat ng virus kaugnay ng cruise ship na MV Hondius matapos mamatay ang isang mag-asawang bumiyahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa bago sumakay sa barko.
Umalis ang MV Hondius mula sa lungsod ng Ushuaia noong Abril 1 at kasalukuyang patungo sa Canary Islands.
Ayon sa mga eksperto, posibleng may kaugnayan ang pagtaas ng kaso ng hantavirus sa climate change at pagkasira ng natural habitat ng mga daga, na pangunahing nagdadala ng virus.
Karaniwang naipapasa ang hantavirus sa pamamagitan ng exposure sa ihi o dumi ng infected rodents.
Iniulat din ng health ministry na mas mataas ngayong taon ang mortality rate ng sakit, na tumaas ng 10 percentage points kumpara noong nakaraang taon.
Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng outbreak na nauugnay sa MV Hondius.









