Naghahanda ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) na magrekomenda ng mga bagong miyembro matapos magbitiw ang ilan sa kanilang kasamahan noong Disyembre 2025, ayon kay ICI Special Adviser at retired PNP Chief Rodolfo Azurin Jr.

Sinabi ni Azurin na kasalukuyang pinag-aaralan ng komisyon kung kinakailangang palitan ang mga nagbitiw na sina dating DPWH Secretary Rogelio Singson at public accountant Rosanna Fajardo.

Iginiit din niya na wala silang natatanggap na anumang abiso tungkol sa posibleng pagbuwag ng ICI, kaya ipagpapatuloy nila ang kanilang mandato na ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Naisumite na rin ng ICI sa Office of the Ombudsman ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa umano’y anomalya sa mga proyektong flood control.

Hinihintay na lamang nila ang pinal na desisyon ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla bago ihain sa Sandiganbayan ang mga kaukulang kaso.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon kay Azurin, posibleng may ilang indibidwal at opisyal ng gobyerno ang makasuhan matapos isailalim sa masusing imbestigasyon bilang persons of interest ng komisyon.