
Umaasa ang kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ireresolba ng Korte Suprema ang mga petisyong habeas corpus kaugnay ng umano’y ilegal na pagkakaaresto sa kanya.
Ayon kay Atty Salvador Paolo Panelo Jr., anumang oras ay maglalabas na ng resolusyon ang Korte Suprema, lalo’t humingi na ito ng memorandum mula sa magkabilang panig sa petisyong inihain ng mga anak ni Duterte.
Aniya, karaniwan itong huling hakbang bago ang pinal na desisyon.
Si Panelo Jr. ang legal counsel ni Veronica “Kitty” Duterte sa nasabing petisyon.
Iginiit din ng abogado na kung papaboran ng Korte Suprema ang kanilang kahilingan at iutos ang pagbabalik at pagpapaharap kay Duterte sa hukuman, nasa gobyerno na ang responsibilidad kung paano siya maibabalik sa bansa mula sa The Hague.
Dagdag pa niya, maaaring makilahok ang gobyerno sa International Criminal Court at igiit na kaya nitong magsagawa ng sariling paglilitis. Aniya, batay sa Rome Statute, nagkakaroon lamang ng hurisdiksyon ang ICC kung walang kakayahan o hindi nais ng isang estado na usigin ang mga nasasangkot sa krimen.
Sa kasalukuyan, nakabinbin pa rin sa Korte Suprema ang mga petisyong may kaugnayan sa pag-aresto at pagpapadala kay Duterte sa The Hague.










