
Malaki ang ibinaba ng naitalang mga kaso ng mpox sa bansa ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH).
Mula Enero 4 hanggang Hunyo 13, 2026, nakapagtala ang ahensya ng 44 kaso, na mas mababa ng 79% kumpara sa 205 kaso sa kaparehong panahon noong 2025.
Ayon kay DOH spokesperson Undersecretary Albert Domingo, wala umanong outbreak o pagtaas ng bilang ng mga kaso sa kasalukuyan sa kabila ng mga naiulat na local detections.
Aniya, hindi rin inilalabas ng DOH ang detalye ng mga indibidwal na kaso upang maiwasan ang stigma at maprotektahan ang privacy ng mga pasyente.
Pinaalalahanan naman ng DOH ang publiko na manatiling maingat dahil ang mpox ay maaaring maipasa sa pamamagitan ng malapit na pisikal na kontak sa isang taong may impeksyon.
Maaari rin umanong maglabas ng sariling health advisories ang mga lokal na pamahalaan batay sa sitwasyon sa kanilang nasasakupan.










