Malapit na umano ang pagbubukas Disaster Risk Reduction and Management o DRRM School sa Cagayan na kauna-unahan sa buong bansa.

Sinabi ni Rueli Rapsing, head ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office-Cagayan na posibleng bago ang buwan ng Hunyo ay magbubukas na sila ng mga kurso na regulated at non-regulated courses ng Technical Education and Skills Development Authority o TESDA.

Ipinaliwanag ni Rapsing na hindi lamang search and rescue at pagtugon sa medical emergencies ang ituturo sa DRRM school sa halip ay mayroon ding research and planning sa mga lugar na madalas na makaranas ng sakuna at kalamidad, tungkol sa land use, incident management, at marami pang iba.

Ayon sa kanya, bukas sa lahat ang nasabing eskwelahan, ngunit ang isa sa kanilang target ay ang mga senior high school graduates dahil kung magtatapos sila sa mga kurso ay maaari na silang bigyan ng certificate mula sa TESDA at pwede na silang magtrabaho sa mga Local Government Units o sa Municipal Disaster Risk Reduction Management Offices.

Sinabi ni Rapsing na may natukoy na silang mga instructors at maging ang mga pasilidad na gagamitin kung saan ang mga ito ay sasailalim sa training sa TESDA bilang mga instructors.

-- ADVERTISEMENT --

Ayon sa kanya, nabuo ang pagkakaroon ng DRRM school dahil ang Cagayan ay madalas na makaranas ng mga kalamidad at karamihan ay may kakulangan pa sa kaalaman sa disaster readiness and reduction management.