
Iminungkahi ni Arlyn Ayon ng Swerte Party-list sa Land Transportation Office (LTO) na huwag munang hulihin ang mga lumalabag sa batas-trapiko, lalo na ang mga naka-motorsiklo, sa loob ng dalawa hanggang tatlong linggo.
Ayon kay Ayon, layunin nitong hindi na madagdagan ang gastusin ng mga traffic violator sa harap ng tumataas na presyo ng langis dulot ng kaguluhan sa Gitnang Silangan.
Hiniling ito ni Ayon sa LTO sa pagdinig ng House Committee on Transportation kaugnay ng fuel subsidy program.
Agad naman itong kinontra ni Markus Lacanilao, hepe ng LTO.
Paliwanag ni Lacanilao, ang paghuli sa mga lumalabag sa batas-trapiko ay para sa road safety o kaligtasan sa mga lansangan.
Iginiit niya na wala namang magiging problema sana ang mga motorista kung palagi silang sumusunod sa batas-trapiko.










