TUGUEGARAO CITY-Naiuwi na sa Claveria, Cagayan ang labi ng isa sa anim na pasahero ng bumagsak na Cessna plane sa Isabela.

Naging emosyonal ang mga anak, mga kaanak at mga kaibigan sa pag-uwi ng bangkay ng negosyanteng si Josefa Espana, 58-anyos sa kanilang family house sa Brgy Centro 6, Claveria matapos ang isat-kalahating buwang paghahanap mula nang napaulat ang pagkawala ng aircraft.

Nabatid na papunta sana sa Maconacon, Isabela ang ginang para maningil ng kanyang mga pautang at magdala ng mga produkto at mga produkto na inorder ng kanyang mga customer at kanyang mga kaibigan doon.

Batay sa salaysay ni Joey, isa sa dalawang anak ni Ginang Espana na matapos makansela ang flight ng kanyang ina sa Tuguegarao City Airport sa Cagayan ay agad itong bumiyahe sa Cauayan City airport sa Isabela nang malaman na isang pasahero ang nagback-out sa kanyang biyahe patungong Maconacon, Isabela.

Sinabi ni Joey na ang cellphone ng kanyang ina ang nag-ring nang simulan ang rescue operation nang ideklara na missing ang eroplano.

-- ADVERTISEMENT --

Subalit, sinabi niya na hindi pa nila alam na nawawala ang eroplano at inakala na kaya hindi sinagot ng kanyang ina ang tawag ay dahil abala siya at ang kanilang buong akala ay nakarating na siya sa Maconacon.

Sinabi niya na ang isang kamag-anak nila ang nagsabi na hindi nakarating ang Cessna plane sa Maconacon.

Samantala, sinabi ni Joey na bagamat naaagnas na ay buo naman ang katawan ng kanyang ina maliban lamang sa malaking sugat sa kanyang ulo.

Sinabi niya na ibinalik naman ng mga otoridad lahat ang mga na-recover na gamit ng kanyang ina.

Ihahatid siya sa kanyang huling hantungan ngayong araw ng Sabado.