
Nanindigan si Senate President Pro Tempore Panfilo Lacson na walang sapat na katibayan na magdadawit kay dating House Speaker at Leyte Rep. Martin Romualdez sa anomalyang bumabalot sa flood control scandal.
Ayon sa senador, bagaman may ilang alegasyon na nagdadawit sa dating House leader sa nabunyag na anomalya sa flood control, walang sapat na ebidensiyang magpapakita o magpapatunay ng kaniyang kaugnayan sa naturang eskandalo.
Unang lumabas ang inisyal na report ng Senate Blue Ribbon Committee na nagrerekomenda sa pagsasampa ng kaso laban kina Sen. Chiz Escudero, Sen. Jingoy Estrada, at Sen. Joel Villanueva, at iba pang malalaking pangalan.
Ngunit sa binagong partial report, inirekomenda ang pagsasagawa ng preliminary investigation laban sa mga nabanggit na pangalan, kung saan hindi pa rin nakasama ang pangalan ni Romualdez.
Paliwanag ni Sen. Lacson, ang rekomendasyon para kay Romualdez ay ang pagpapatuloy ng fact-finding efforts at ang posibleng pagbuo ng kaso laban sa kaniya.
Kabilang din dito ang financial scrutiny o pagsusuri sa yaman ng presidential cousin.
Mahalaga dito aniya ang tulong ng Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Sa ngayon aniya, ang tanging basehan ng komite ay ang naging testimoniya ng kontrobersyal na witness na si Orly Guteza.
Sa kabila nito, nananatili pa rin aniya ang posibilidad na magbabago pa rin ang status ni Romualdez sa pinal na committee report, habang nagpapatuloy pa rin ang imbestigasyon ng Senado ukol sa nabunyag na eskandalo.










