Patay ang isang lalaki matapos na sumalpok ang kanyang motorsiklo sa nakaparada na Isuzu Trailer truck sa bayan ng Sanchez Mira, Cagayan kagabi.
Ayon kay PMAJ Alberto Pestejo ng Sanchez Mira Police Station, agad na rumesponde ang mga pulis sa pinangyarihan ng insidente sa Manila North Road sa Brgy. Callungan nang itawag sa kanila ng isang concerned citizen.
Lumalabas sa imbestigasyon na patungong kanlurang direksion papuntang bayan ng Claveria ang motorsiklo na minaneho ng isang Erik John, 21 years old, laborer, at kanyang backrider na 31 years old, kapwa residente ng Brgy. Takitok nang aksidenteng mabangga nito ang nakaparada sa gilid ng kalsada na truck at may reflectorized traffic zone o early warning device.
Hindi umano nakita ng driver ng motor ang truck dahil wala itong head light.
Tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo at nagtamo ng mga pinsala sa kanilang katawan.
Dinala sila sa pinakamalapit na ospital sa nasabing bayan, subalit idineklara na dead on arrival ang driver dahil sa pinsala sa kanyang ulo habang nakaligtas ang kanyang backrider.
Nagkaroon ng sira sa harapan ng motorsiklo habang maliit naman na damage sa frame ng kaliwang tail light ang truck.
Ayon sa pulisya, madulas ang kalsada dahil sa mga pag-ulan nang mangyari ang aksidente.