TUGUEGARAO CITY – Huli ang isang 19-anyos na lalaki dahil sa pagbebenta ng ninakaw na kalabaw sa bayan ng Amulung.

Kinilala ang suspek na si Ronald Cabasag, residente ng Barangay Iraga, Solana.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Police Staff Sergeant Manuel Matagay ng PNP-Amulung na naghinala ang pinagbentahan ng suspek na nakaw ang dalawang kalabaw dahil sa napakamurang halaga nito na P20,000.

Bukod sa napakamurang alok na presyo ay walang maipakitang dokumento ang suspek para sa ibinebentang kalabaw.

Kaagad namang nagsagawa ng entrapment operation ang kapulisan dahil sa reklamo laban sa suspek at kalaunan ay inamin niya ang pagnanakaw sa kalabaw sa kanyanag kapitbahay na si Jerry Gabona.

-- ADVERTISEMENT --

Nabawi ng pulisya ang kalabaw ni Gabaona, habang kinasuhan naman si Cabasag ng paglabag sa PD 533 o Anti-Cattle Rustling Law.