
Nagpulong sina South Korean President Lee Jae Myung at Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa unang araw ng dalawang araw na state visit ng lider ng South Korea sa Pilipinas.
Dumating sa Maynila si Lee kasama ang First Lady na si Kim Hea Kyung pasado tanghali ng Marso 3. Nag-alay sila ng bulaklak sa Rizal Park bago tumanggap ng arrival honors sa Malacañang Palace.
Inaasahang tinalakay ng dalawang lider ang pagpapalakas ng kooperasyon sa depensa, people-to-people exchanges, at iba pang usaping internasyonal.
Ito ang unang pagbisita ni Lee sa Pilipinas at kauna-unahan niyang state visit mula nang magkabisa ang Free Trade Agreement (FTA) sa pagitan ng dalawang bansa noong Disyembre 2024. Sa ilalim ng kasunduan, inalis ang taripa sa 94% ng Philippine exports patungong South Korea at 96.5% ng produktong South Korea na pumapasok sa Pilipinas.
Inaasahang magpapalakas ang FTA sa kalakalan sa sektor ng sasakyan, electronics, at agrikultura.
Kasabay rin ng state visit ang pagdiriwang ng ika-77 anibersaryo ng diplomatikong ugnayan ng Pilipinas at South Korea.










