Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng isang lolang agta na namatay matapos masagasaan ng SUV sa Barangay Fugu, Ballesteros, Cagayan, Linggo ng gabi.
Ayon kay PSMS Arlene Reynon, imbestigador ng PNP- Ballesteros, biglang tumawid sa kalsada ang biktima na inilarawang nasa edad 60 pataas dahilan upang mabangga ng Toyota Fortuner na minamaneho ni Emiliano Allilam, Jr., 44-anyos na galing Aparri at pauwi na sa Pamplona dakong alas 9:00 ng gabi.
Sinubukan umanong iwasan ng suspek ang biktima subalit nahagip pa rin niya ito sa kanang bahagi ng bumper ng sasakyan at nabagok ang ulo.
Kaagad na dinala sa ospital ang biktima pero idineklara na itong dead on arrival dahil sa malubhang sugat sa ulo.
Patuloy namang nakikipag-ugnayan ang pulisya sa agta community para makuha na ang bangkay na nasa punenarya.
Nahaharap ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang sumukong driver.