Nasawi ang isang senior citizen na nagbibisekleta habang sugatan naman ang motorcycle rider na nakabangga sa kanya sa bayan ng Sto. Niño, Cagayan.

Kinilala ang biktima na si Edmundo Abedes, 82-anyos habang ang suspek ay si Reynald Capiles, barangay tanod at kapwa residente ng Brgy. Centro Norte sa naturang bayan.

Ayon kay PCAPT Melodie Grace Ballesteros, hepe ng PNP-Sto Niño, kapwa pauwi na ang dalawa nang aksidenteng mabangga ng suspek ang nagbibisiklatang biktima sa provincial road ng Brgy. Centro Norte.

Sinubukan aniyang mag-overtake ng motorsiklo sa sinusundang sasakyan subalit nag-alangan ito kung kaya bumalik siya sa kanyang linya dahilan upang aksidente nitong mabangga ang biktima na galing sa outer lane at papasok sa inner lane.

Kapwa nagtamo ng mga sugat sa ibat ibang bahagi ng kanilang katawan ang dalawa matapos matumba na ikinasawi ng lolo.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ngayon ay kinasuhan na ng reckless imprudence resulting to homicide ang suspek na walang lisensya at suot na helmet nang mangyari ang aksidente.