Patay ang isang lolo matapos siyang pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang suspek habang nanonood ng television sa loob ng kanyang bahay sa Tuguegarao City.
Kinilala ni PLT Isabelita Gano ng PNP Tuguegarao ang bitkima na si Peter Suyu, 69-anyos ng Valenzuela St, Barangay Centro 10.
Sa inisyal na imbestigasyon, nangyari ang insidente pasado alas 8:00 ng gabi nang bumaba at pumasok ang isa sa tatlong suspek na naka-motorsiklo at pinagbabaril ang biktima na nanonood ng TV sa sala.
Agad namang tumakas ang mga suspek sa hindi pa malamang direksyon habang dead on the spot ang biktima.
Narekober sa crime scene ang pitong bala ng cal.45 na baril.
Sinabi ni Gano na hindi pa alam ang motibo ng pamamaril ngunit tinitignan nila ang anggulong paghihiganti dahil sa pagkakasangkot ng anak ng biktima sa pananaksak na ikinamatay rin ng biktima na residente sa Barangay Gosi.
Nagsasagawa ng follow-up investigation ang Tuguegarao Police Station upang makilala ang mga suspek.