
Naging solusyon sa problemang pinansyal ng isang babae ang mga lumang kubyertos na kalauna’y napag-alamang gawa sa pilak, na iniwan sa kanya ng kanyang ina.
Itinampok ang kuwento sa programang Kapuso Mo, Jessica Soho, kung saan ibinahagi ang karanasan ng isang babae na itinago sa pangalang “Joyce,” isang graduate ng Hotel and Restaurant Management mula sa Sorsogon.
Ayon sa ulat, matagal nang nakatago sa kanilang kusina ang 28 pares ng kutsara’t tinidor at 28 piraso ng bread knife na ipinadala ng kanyang ina na dating caregiver sa Greece noong dekada 90. Hindi ito madalas gamitin at kapansin-pansin ang bigat, kapal, at mga markang nakaukit sa mga ito.
Taong 2019 nang ma-diagnose ang kanyang ina ng ovarian cancer at pumanaw rin kalaunan. Dahil sa gastusin sa pagpapagamot, umabot sa halos kalahating milyong piso ang kanilang utang.
Sa paghahanap ng paraan upang mabayaran ang obligasyon, naisip ni Joyce na ipasuri at ibenta ang mga kubyertos matapos makapanood ng content tungkol sa pagbili ng mga silver items ng alahera at content creator na si Jenn Chua.
Dinala niya ang mga ito mula Bicol patungong Maynila upang ipasuri. Sa masusing pagsusuri gamit ang iba’t ibang testing methods, natukoy na ang mga kubyertos ay may 80 porsiyentong pilak, batay sa markang “800” na nakaukit sa mga ito.
Sa halagang tinatayang P95 kada gramo at kabuuang bigat na humigit-kumulang limang kilo, umabot sa P364,800 ang halaga ng mga kutsara at tinidor.
Malaking tulong ito upang mabawasan ang kanilang pagkakautang mula sa pagpapagamot ng kanyang ina.
Dahil dito, plano rin ni Joyce na ipasuri at ibenta ang natitira pang bread knives na pinaniniwalaan din niyang gawa sa pilak.
Samantala, patuloy na lumalago ang negosyong buy-and-sell ng mga alahas at silver items ni Chua, na nagsimula noong 2023 at kalaunan ay nagbukas ng sarili nilang shop kasama ang kanyang asawa.










