
Hinikayat ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga lokal na pamahalaan na tiyaking nagagamit ang kanilang budget sa mga awtorisadong proyekto at mahigpit na sumusunod sa itinakdang reporting requirements ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro, bahagi ito ng pagsusumikap ng administrasyon na palakasin ang transparency at accountability sa paggamit ng pondo ng bayan.
Ipinahayag ito kasunod ng paglagda sa Special Allotment Release Order at sa kaukulang Notices of Cash Allocation para sa paglalabas ng 2026 national budget ng mga lokal na pamahalaan.
Iniulat ng Department of Budget and Management na umabot sa ₱1.19 trillion ang inilabas na National Tax Allotment para sa mga LGU sa kasalukuyang taon. Layunin ng maaga at buong paglabas ng pondo na matiyak ang mabilis na implementasyon ng mga programa at proyekto sa mga komunidad.
Dagdag ng DBM, ang 2026 national budget ay nakatuon sa pagpapabuti ng kalidad ng pamumuhay ng mga mamamayan sa pamamagitan ng pagpapalakas ng mga pangunahing serbisyo, pagbibigay-kapangyarihan sa lokal na pamahalaan, at pagpapabilis ng paghahatid ng mga programang direktang nararamdaman ng taumbayan.










