Maling pagtitipid ng pondo ang isa sa nakikitang dahilan ni Senador JV Ejercito kaya bumigay ang bahagi ng Cabagan-Sta. Maria Bridge sa Isabela noong Pebrero 27, habang may dumaang truck.
Ayon kay Ejercito, sa kasaysayan, ang gagawa raw talaga ng naturang tulay ay isang agency sa Japan.
Unang tantiya aniya ng gastos noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal ay aabot sa 1.2 billion pesos.
Dahil aniya sa kataasan ng pondo at hindi ito maaprubahan ay napagdesisyunan umano na local contractor na lamang ang gagawa.
Giit ng senador, sa kagustuhan na makatipid ay mas mapamamahal pa dahil kapag nagkamali ay doble pa ang gastos na mailalabas ng pamahalaan.
Bukod dito, isa pang nakikitang dahilan ng senador sa pagbagsak ng tulay ay ang mga overloaded truck na dapat mabantayan upang maiwasan ang ganitong pangyayari.
Samantala, sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero na dapat Department of public Works and Highways o DPWH na muna ang mag-imbestiga ng nangyaring pagbagsak ng tulay sa Isabela.
Ayon kay Escudero, dapat manguna ang DPWH Central Office sa pagsisiyasat kung saan sila aniya ang nangangasiwa sa mga government-funded infrastructure projects.
Bukod dito, isang bagay rin aniya na dapat tingnan ay loading capacity ng mga truck na dumadaan sa tulay.
Una nang sinabi ni Senate Committee on Public Works Chairman Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., na handa siyang dinggin ang resolusyon na layong imbestigahan ang mga insidente ng pagbagsak ng tulay sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Inihain ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang Senate Resolution 1319 para imbestigahan ang mga insidente ng pagbagsak ng mga tulay tulad ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela Magapi Bridge sa Balete, Batangas noong October 28, 2024, Bantilan Bridge noong October 29, 2022 at marami pang iba.