
Pansamantalang inaprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang panukalang palawigin ang bisa ng rehistro para sa mga bagong sasakyan sa limang taon, ayon sa Malacañang.
Ipinaliwanag ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang susunod na hakbang ay ang paglalabas ng mga memorandum ng Department of Transportation (DOTr) para maisakatuparan ang polisiya.
Layunin ng proposal na mabawasan ang madalas na pagproseso ng rehistro, paikliin ang pila sa mga tanggapan ng gobyerno, at mabawasan ang gastos ng mga motorista.
Kasabay nito, nagbigay rin si DOTr Acting Secretary Giovanni Lopez ng ulat kay Marcos tungkol sa mga pagpapaunlad sa railway operations, kabilang ang rehabilitasyon ng MRT-3 sa Quezon Avenue Station, pagpapalawak ng cashless payment system sa MRT-3, at plano ring ipatupad ang cashless payments sa LRT-1 at LRT-2 ngayong 2026, pati na rin ang refurbishment ng natitirang Dalian trains upang mapataas ang kapasidad ng MRT-3.










