Inihayag ni Vice President Sara Duterte na hindi niya iniisip na magbitiw sa kanyang puwesto sa ngayon matapos ang kanyang impeachment sa Kamara.
Sinabi ni Duterte sa isang pulong balitaan na malayo pa sa isip niya ang pagbibitiw sa gitna ng mga hamon na kanyang kinakaharap.
Ayon sa kanya, binabasa na ng kanyang mga abogado ang impeachment complaint laban sa kanya.
Una rito, nagbigay siya ng mensahe kaugnay sa impeachment case laban sa kanya.
Ayon sa kanya, ang tanging masasabi niya ay “God Save the Philippine.”
Kasabay nito, sinabi niya na okay naman siya at wala siyang nararamdaman nang tanungin siya sa kanyang kalagayan matapos na maiakyat sa Senado ang impeachment complaint.
Ayon sa kanya, mas masakit pa ang maiwan ng kasintahan kaysa sa ma-impeach sa Kamara.
Sinabi pa ni Duterte na maaaring nais ng kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na mapasama sa kanyang defense team, subalit hindi niya ito papayagan dahil sa matanda na siya sa edad na 80.
Samantala, muling iginiit ni Duterte na wala siyang ginawa na bantang assassination kay Pangulong Ferdinand Mrcos jr.