Muling ipapatawag ang mag-asawang contractor na sina Pacifico at Cezarah Discaya sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa September 18 tungkol sa maanomalyang flood control projects.

Sinabi ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo Lacson na muling pahaharapin ang mga Discaya para linawin ang magkaiba nilang testimonya sa Senado at Kamara.

Nais busisiin ng senador kung nagsasabi ng buo o kalahati lang ng katotohanan ang sinasabi ng mga Discaya.

Muli ring inimbitahan si Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Maria Catalina Cabral para komprontahin tungkol sa pagtanggi na hinimok niya si Senate President Tito Sotto III na magpasok na habang maaga ng mga insertions sa 2026 national budget.

Hindi rin lusot sa ipinatawag ng Blue Ribbon ang limang tinaguriang BGC Boys o Bulacan Group of Contractors na kinabibilangan nina dating Bulacan District Engineer Henry Alcantara at dating Bulacan Assistant District Engineer Brice Hernandez.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang sinabi rin ni Lacson na pinaiimbitahan niya sa pagdinig ang contractor na si Mina na umano’y kausap ng sinasabing tauhan ng isang senador para sa mga komisyon sa flood control projects.