Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) chief Police General Nicolas Torre III sa mga pulis na maging mabilis, nagkakaisa at moderno sa kanyang unang command conference bilang pinuno ng police organization.

Sinabi ni Torre na magfo-focus ang PNP sa paghahatid ng de kalidad na serbisyo na mabilis, mabisa at laging abot-kamay ng mga mamamayan.

Bukod dito, binigyang-diin niya ang pagsusulong ng modernisasyon hindi lamang sa kanilang mga kagamitan at sistema, kundi maging sa pamumuno at pagseserbisyo.

Ipinag-utos din ni Torre ang full implementation at pagpapaunlad sa radio communication systems sa lahat ng police stations sa buong bansa.

Sinabi niya na kailangan ang palagiang inventory at assessment sa paggana ng mga radyo at iba pang mahahalagang kagamitan ng PNP.

-- ADVERTISEMENT --

Nagtakda rin si Torre ng istriktong three-minute response sa lahat ng police units sa pagtugon sa emergencies at distress calls.

Sinabi din niya na upang matiyak ang kapakanan at pagiging mabisa ng pulis, kailangan na ipatupad ang eight-hour duty policy.

Tiniyak din niya ang pagkakaroon ng legal services sa lahat ng pulis, hindi lamang para sa may kaugnayan sa trabaho kundi maging sa personal na bagay.