Ipinag-utos ng National Police Commission (Napolcom) ang imbestigasyon sa posibleng pagkakasangkot ni Police Senior Master Sgt. John Mollenido sa pagpatay sa kanyang asawa na si Police Senior Master Sgt. Diane Mollenido, at sa kanilang anak na lalaki na si John Ysmael.

Unang naghain ng kasong obstruction of justice laban kay John matapos na ipilit umano na i-cremate ang labi ng kanyang asawa sa kabila na kasalukuyan pa ang imbestigasyon.

Inatasan ni Napolcom commissioner Rafael Calinisan ang Inspection, Monitoring, and Investigation Service (IMIS) na agad na magsagawa ng sariling imbestigasyon sa krimen, at makipag-ugnayan sa ginagawang pagsisiyasat ng mga pulis para matiyak ang patas at mapagkakatiwalaan na proseso.

Pinuri ni Calinisan ang mabilis na pagresolba sa kaso, subalit dahil may sangkot na pulis, tungkulin ng Napolcom na matiyak ang patas at mas malinaw na pananagutan.

Inilagay si John sa restrictive custody habang kasalukuyan ang imbestigasyon sa nasabing kaso.

-- ADVERTISEMENT --