Kinumpirma ng Office of the Vice President (OVP) na natanggap na ng kanilang tanggapan ang kopya ng utos ng Office of the Ombudsman.
Pinasasagot si Vice President Sara Duterte at ilang opisyal kaugnay sa rekomendasyon ng House of Representatives na kasuhan siya at ilang opisyal ng plunder, technical malversation, bribery, at corruption dahil sa paggamit ng confidential funds.
Ayon sa OVP, natanggap nila ang utos alas-nuwebe ng umaga ngayong Biyernes.
Bukod kay Duterte, siyam pang opisyal ng OVP at Department of Education (DepEd) ang pinagsusumite ng kanilang salaysay na nagpapaliwanag ng kanilang panig.
Nagsilbing kalihim ng DepEd si VP Sara bago ito magbitiw sa gabinete ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
May sampung araw ang mga ito para makapaghain ng kontra-salaysay matapos matanggap ang kopya ng Ombudsman order.