
Inanunsiyo ng Department of Education (DepEd) nitong Martes na makakatanggap na ng taunang medical allowance na hanggang P7,000 kada taon ang mga pampublikong guro at non-teaching personnel.
Layunin ng programang ito na mabawasan ang absenteeism, mapabuti ang morale ng mga kawani, at palakasin ang hanay ng mga guro, lalo na sa mga lugar na salat sa serbisyo.
Ayon kay Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara, bahagi ito ng pinalawak na programang pangkalusugan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa mga empleyado ng gobyerno.
Alinsunod sa Executive Order No. 64, s. 2024 at DBM Circular No. 2024-6, layunin ng allowance na pagaanin ang gastusing medikal at mapalakas ang kalusugan at produktibidad ng mga kawani, lalo na sa mga liblib at high-risk na lugar.
Ayon sa DepEd Order No. 16, s. 2025, maaaring piliin ng mga kwalipikadong empleyado ang isa sa tatlong paraan ng pag-avail: enrollment sa group HMO na kukunin ng DepEd, indibidwal na HMO o renewal nito, o direktang cash payment sa payroll para sa mga nasa GIDA o walang access sa HMO.
Sakop ng programa ang mga permanenteng empleyado, co-terminus, fixed-term, casual, o contractual na may anim na buwang serbisyo sa loob ng taon.
Hindi kabilang ang mga consultant, job order worker, apprentice, at student laborer.
Malinaw ring sinabi ng DepEd na kahit magkano pa ang HMO na kukunin, mananatiling P7,000 ang matatanggap ng kawani.
Ipamamahagi ang halaga kahit bago pa maisumite ang mga resibo o dokumento, subalit ang hindi pagsunod sa requirements ay maaaring magresulta sa pagkaantala ng benepisyo sa susunod na taon.