
Sa pagpapatibay sa hatol sa isang ama, sinabi ng Korte Suprema na hindi otomatiko na binabalewala ng mga korte ang mapagkakatiwalaan na testimonya dahil sa umatras ang testigo o nagbago ang kanyang testimonya lalo na sa kaso ng panghahalay o mga kaso ng sexual abuse.
Sa 14 na pahinang desisyon, pinagtibay ng SC Second Division ang hatol sa isang ama sa pang-aabusong sekswal sa kanyang 14 anyos na anak na babae, na binawi ang kanyang testimonya.
Ayon sa Korte Suprema, nakita nila na totoo ang mga sinabi ng biktima, kung saan naging emosyonal pa siya sa pagdedetalye kung paano siya inabuso ng kanyang ama sa kabila ng kanyang pagtanggi.
Dahil dito, sinabi ng Korte Suprema, na sang-ayon sila sa finding ng regional trial court na ang pagbawi ng biktima sa kanyang testimonya ay gawa-gawa.
Ayon sa Korte Suprema, natutulog ang biktima at kanyang siyam na taong gulang na kapatid na lalaki sa tabi ng kanilang ama, nang maramdaman niya na tinatanggal ng ama kanyang underwear.
Hinawakan ng ama ang pribadong bahagi ng kanyang katawan at tinangkang halayin, subalit natigil nang gumalaw ang kanyang kapatid.
Binantaan ng ama ang anak na huwag magsumbong.
Sinabi ito ng biktima sa kanyang guro, na siya namang nagsabi sa ina ng biktima na noon ay nagtatrabaho sa Singapore.
Dinala ng guro ang dalagita sa pulisya.
Sa paglilitis, tumestigo ang biktima sa nasabing pang-aabuso.
Sualit nang tawagin siya ng depensa, binawi niya ang kanyang testimonya at sinabi niyang inimbento lamang niya ang kanyang mga sinabi dahil sa masyado umanong mahigpit ang kanyang ama.
Hinatulan ng regional trial court ang ama sa qualified rape.
Subalit, ibinaba ng Court of Appeals ang krimen sa lasciviousness conduct dahil sa nabigo ang prosekusyon na patunayan na nagkaroon ng sexual intercourse.
Sinang-ayunan naman ito ng Korte Suprema










