Nagpaalala ang Department of Agriculture (DA) Region II na kailangang personal ang pagkuha o pag-claim ng mga corn farmers sa kanilang fuel cards sa itinakdang schedule at lugar.

Ayon kay Paul Vincent Balao, Corn Program Focal Person ng DA-R02, hindi pinapayagan ang representative ng benepisaryo na makuha ang fuel discount card dahil kailangang makunan ng larawan ang kwalipikadong magsasaka na nakapangalan sa listahan ng fuel subsidy program ng Kagawaran.

Paglilinaw pa ni Balao na ang ibibigay na P3,000 fuel subsidy sa pamamagitan ng card mula sa Development Bank of the Philippines (DBP) ay hindi maaaring gawing ATM card dahil ipapakita lamang ito ng mga benepisyaryo sa mga gasolinahan na accredited ng Department of Energy tuwing magpapa-gas.

Kahapon, nakapagpamahagi ang DA ng subsidiya sa 451 corn farmers at 24 mangingisda sa bayan ng Amulung at Alcala, bukod pa sa 181 beneficiaries na unang nakatanggap ng kanilang discount card noong Mayo-20, ngayong taon.

Magkakaroon naman ng re-scheduling sa mga benepisaryong hindi nakapunta ng personal para kunin ang card at iaanunsyo na lamang ito ng Kagawaran.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kabuuang 16,811 beneficiaries sa rehiyon dos, sinabi ni Balao na nasa mahigit isang libo na ang nagawan ng card kung saan target na matapos ang pamamahgi nito hanggang Hunyo-30, ngayong taon.

Nilinaw din ni Balao na ang listahan ng mga magsasaka ay galing sa Local Government Units na kailangang rehistrado sa Registry System for Basic Sector in Agriculture at may katibayang nagmamay-ari sila ng makinaryang pangsaka o may ginagamit na makinarya mula sa kanilang kooperatiba o asosasyon.