
Nakapagtala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Huwebes ng hapon, Pebrero 19, ng pag-alburuto ng Bulkang Kanlaon.
Ayon sa seismic record, nagsimula ang pagsabog bandang alas-4:38 ng hapon at tumagal ng humigit-kumulang dalawang minuto. Nagbuga ang bulkan ng makapal na usok na umabot sa 2,000 metro mula sa bunganga bago ito hinangin patungong timog-kanluran.
Naitala rin ang pagdaloy ng pyroclastic density currents (PDCs) o “uson” pababa sa itaas na dalisdis ng bulkan, hanggang sa loob ng isang kilometro mula sa summit crater.
Nanatiling nakataas ang Alert Level 2 sa Kanlaon, na nangangahulugang may patuloy na pag-aalburuto. Ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng apat na kilometrong radius ng Permanent Danger Zone (PDZ) dahil sa banta ng biglaang pagsabog, pag-ulan ng abo, at pagdaloy ng mapanganib na volcanic materials.
Pinapayuhan ang mga residente sa paligid ng bulkan na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso ng mga awtoridad.










