Tiniyak ng Malacañang na may mga mekanismo ang pamahalaan para mamonitor ang paggamit ng pondong inilaan sa pagtatayo ng mga evacuation center at maiwasan ang mga proyektong pinondohan ngunit hindi naman naisagawa.

Ito ang pahayag ng Palasyo matapos kuwestiyunin ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang panukalang ₱180 milyon na alokasyon para sa evacuation centers sa bawat rehiyon sa 2027 national budget.

Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, may mga paraan upang matukoy kung may mga proyektong napondohan ngunit hindi natapos o hindi naipatupad.

Iginiit din ni Castro na hindi na nanaisin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maulit ang mga “ghost projects” na naiugnay sa mga nakaraang administrasyon at maging sa kasalukuyang pamahalaan.

Samantala, nilinaw ng Department of Budget and Management na ang kawalan ng partikular na lokasyon ng mga evacuation center sa proposed National Expenditure Program ay hindi nangangahulugang walang proseso sa pagpili ng mga site.

-- ADVERTISEMENT --

Sa ilalim ng Ligtas Pinoy Centers Act, ang NDRRMC, katuwang ang mga lokal na pamahalaan, ang tutukoy at magbibigay-prayoridad sa mga lugar na pagtatayuan, habang ang Department of Public Works and Highways ang magsisilbing implementing agency.

Isasaalang-alang umano sa pagpili ng lokasyon ang disaster risk, topograpiya, available na lupa at aktuwal na pangangailangan ng mga komunidad.