Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ipinaubaya na ng pamahalaan sa International Criminal Court (ICC) ang paghawak sa mga kaso kaugnay ng war on drugs, dahil sa kawalan ng ebidensya at sirang dokumentasyon.
Sa isang press conference nitong Huwebes, inamin ni Remulla ang matitinding hamon sa lokal na sistemang pangkatarungan.
Aniya, mahirap buuin ang kaso dahil mismong mga sangkot sa krimen ang kailangang magsalita.
Idinagdag pa niya na kulang na kulang ang ebidensya—walang police report, walang imbestigasyon sa crime scene, ballistics, o DNA.
Saad niya ay lahat ng maaaring burahin, binura para hindi matuloy ang kaso.
Bagamat hindi ito nangangahulugang muling sasali ang Pilipinas sa ICC, iginiit ni Remulla na ang pagsang-ayon sa imbestigasyon ay pagpapakita ng pagkilala sa kapangyarihan ng ICC, lalo na sa mga kasong may kinalaman kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa kanya, may tatlo hanggang apat na testigo ngayon sa ilalim ng Witness Protection Program (WPP), at inaasahang madaragdagan pa ito.
Tiniyak din niya na gagawin ng pamahalaan ang lahat upang maprotektahan ang mga testigo, dahil dito nakasalalay ang posibilidad ng tagumpay ng prosekusyon.