
Tinanggihan ng International Criminal Court (ICC) ang kahilingan para sa personal na pagbisita kay dating Pangulong Rodrigo Duterte habang isinasagawa ang apat na araw na pre-trial “confirmation of charges” hearings sa The Hague.
Ayon sa pahayag ng pamilya Duterte, tanging komunikasyon sa pamamagitan ng tawag sa telepono lamang ang pinahintulutan ng korte sa kasalukuyan.
Sa kabila nito, tiniyak ng kampo ng dating pangulo na magiging maayos ang representasyon nito sa harap ng tribunal.
Kumpirmadong anim na batikang abogadong Pilipino ang dadalo sa nasabing pagdinig upang magsilbing legal team ni Duterte.
Binubuo ang grupo nina Atty. Salvador Medialdea, Atty. Martin Delgra III, Atty. Silvestre Bello III, Atty. Alfredo Lim Jr., Atty. Caesar Dulay, at Atty. Salvador Panelo.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang pamilya Duterte sa dedikasyon ng mga nasabing abogado, pati na rin sa Filipino community sa The Hague na patuloy na nagpapakita ng suporta at malasakit sa dating lider.
Nakatakdang simulan ang confirmation of charges hearings mula Pebrero 23 hanggang 27, kung saan susuriin kung may sapat na batayan ang mga reklamong crimes against humanity laban sa dating pangulo.
Batay sa opisyal na iskedyul mula sa website ng ICC, ang pagdinig ay magsisimula mula 10:00 AM hanggang 3:00 PM (oras sa The Hague), na katumbas naman ng 5:00 PM hanggang 10:00 PM sa oras dito sa Pilipinas.










