Nagpahayag ng pakikiramay ang mountaineering community matapos masawi ang 45-anyos na Pilipinong climber na si Philipp “PJ” Santiago II habang tinatangkang akyatin ang Mt. Everest sa Nepal.

Ayon sa ulat, si Santiago ang naitalang unang dayuhang nasawi sa kasalukuyang climbing season ng Everest.

Batay sa pahayag ni Bodhraj Bhandari, Managing Director ng Snowy Horizon Treks, nakarating si Santiago sa Camp 4 — na may taas na 26,000 talampakan noong Mayo 14, ngunit binawian ng buhay bago pa man maisakatuparan ang pag-akyat sa summit ng bundok.

Sa ngayon ay hindi pa tukoy ang eksaktong sanhi ng kanyang pagkamatay, at isinasagawa na ang hakbang upang mailipat ang kanyang labi pabalik sa base camp.

Si Santiago ay miyembro ng Mountaineering Association of Krishnanagar – Snowy Everest Expedition 2025.

-- ADVERTISEMENT --

Nauna nang naiulat na dalawang Sherpa support staff din ang nasawi matapos magkaroon ng karamdaman sa Everest base camp at mamatay habang ginagamot sa ospital.