Natagpuang patay ang isang police official sa loob ng kanyang quarters sa Camp Sgt. Quintin M. Merecido sa Buhangin, Davao City kahapon ng umaga, kasabay ng pagbisita doon ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr.

Batay sa initial investigation, pumunta ang isang kapwa pulis sa condominium unit ng opisyal na si Lt. Col. Deozar Almasa ng 6:45 a.m. para sabihan na ilipat ang kanyang sasakyan dahil darating si Nartatez.

Gayunman, walang tugon mula sa nasabing opisyal.

Dahil dito, pilit na binuksan ng isa pang opisyal ng PNP ang condominium unit, kung saan nakita ito na nakaupo sa plastic na upuan na may dugo at nasa kanyang tabi ang kanyang service firearm.

Tinitignan ng mga imbestigador ang posibleng suicide na posibleng anggulo sa nasabing insidente, habang isinasagawa ang karagdagang forensic examination at imbestigasyon.

-- ADVERTISEMENT --

Sa kanyang pagbisita, nag-alay si Nartatez ng panalangin at isa minutong katahimikan bilang pagkilala sa nasabing namatay na pulis.

Inatasan din niya ang mga awtoridad na tiyakin na magkaroon ng komprehensibong imbestigasyon sa insidente.

Ayon naman sa Police Regional Office-11, iniimbestigahan at inaalan na ang mga pangyayari bago ang pagkamatay ng pulis.